Sa panahon ngayon, ang oras ay para bang lagi nang kulang. Normal na sa mga Pilipino ang pagiging abala sa maraming bagay, bata man o matanda. Kaya naman, ang gusto ng bawat isa ay makatipid sa oras at makagawa ng maraming bagay sa oras na meron sya. Pati yata ang ehersisyo ay hindi na nabibigyang pansin o importansya. Kaya naman, mabuting balita para kaninuman ang malaman na may paraan kung paano bumaba ang timbang ng walang ehersisyo na pagpaplanuhan. Sumusunod ay 20 paraan:
1. Iwasan ang pagkain ng mga fastfood items.
Bawasan ang pagbisita sa Jollibee o McDonalds. Karamihan sa menu nila ay mabigat sa kaloriya. Ang araw-araw na pagkonsumo nito ay tiyak na makakapabigat ng iyong timbang.
2. Huwag nang bumili ng softdrinks o Iced Tea.
Normal na sa Pinoy ang pumunta sa “sari-sari store” para bumili ng sopdrinks. Kahit saang kanto yata ay may isa o mas marami pa, na tindahan. Madaming kaloriya ang nilalaman ng isang bote ng sopdrinks. Kaya, iwasan mo na ang pagbili nito. Kapag nasa restawran naman, normal nang kasama ng mga “budget meals” o “combo meals” ang iced tea. Umorder na lang ng “solo meals” at humingi ng tubig.
3. Umiwas sa mga piniritong pagkain.
Mahilig ang mga Filipino sa piniritong pagkain. Marami sa putaheng Pinoy ay piniprito sa mantika. Sikat ang mga bansa sa South East Asia sa “street food” na tinatawag at ito ay madalas na pinipiling meryenda kada hapon. Mga fish ball, squid ball, mani, French fries, cheese sticks; ito ay mabigat sa kaloriya ngunit napakaunti ng enerhiya na binibigay sa atin. Sa pahayag ng American Journal of Clinical Nutrition, 10,881 na lalaki at 19,167 na babaeng Espanyol ang sinuri at nakita na ang madalas na pagkain ng mga pinirito ay nakakapalala ng katabaan.
4. Gumamit ng bisikleta.
Sikat na ngayon ang mga bisikleta; ang daming tao ang nahihilig sa cycling. Ang kagandahan nito, may mga lumalabas nang murang klase ng mga bisikleta. Pag-ipunan ito dahil hindi masasayang ang pera mo. Malaki ang naidudulot nito para sa kalusugan. Iwasan na ang traysikel, lalo na kung malapit lang ang pupuntahan. Sa halip, magbisikleta papunta roon. Marami ka ring kaloriya at taba na matutunaw.
5. Iwasan na ang mga kendi at keyk.
Ang sobrang matatamis na mga pagkain ay nakakadagdag ng malaki sa timbang. Bukod dito, tumataas ang tsansa mo na magkaroon ng Diabetes. Nagdudulot din ng matinding sakit ng ulo ang sobrang asukal sa katawan at nakakadagdag sa pakiramdam ng panlalata.
6. Pumara ng malayo sa paradahan.
Para sa taong may sasakyan, mas kaunti lang ang panahon para makabawas ng timbang. Kaya, ugaliing pumara sa malayong bahagi ng paradahan o papasok ng mall o establisyamentong papasukin. Ang gawaing ito ay makakatulong na paraan kung paano bumaba ang timbang.
7. Nguyaing mabuti ang mga kinakain.
Ugaliing nguyaing mabuti ang bawat pagkain na kinokonsumo kada oras ng pagkain. Mas madaling matunaw ng katawan ang mga pagkain at mas epektibo ang pag-absorb ng sustansya para gamiting enerhiya sa mga gawain.
8. Mas damihan ang pagkain ng protina kaysa sa carbohydrate.
Ang protina gaya ng laman ng manok, isda, baboy, at itlog, ay magandang pagkunan ng protina. Damihan ito at sa bawat subo, bawasan ang pagkutsara ng kanin. Malaking bagay ito sa ikakasigurado ng pagbaba ng timbang mo. Kung ikaw ay nasa labas naman, huwag ka nang humingi pa ng ekstrang kanin.
9. Huwag kumain habang may hawak na gadyet.
Kadalasan, hindi mo nababantayan ang dami ng nakakain kung may kaharap kang gadyet sa hapag-kainan. Ituon muna ang atensyon sa iyong pagkain upang masuring mabuti ang dami at klase ng pagkain na kinokonsumo mo sa oras ng kain.
10. Limitahan ang pagbili mula sa groserya sa isang linggo.
Kung hirap ka sa pagdisiplina ng sarili sa pagkain, iwasang mag-imbak ng maraming pagkain sa ref o sa mga plastik na lalagyan. Bumili lang ng katamtamang dami ng pagkain at “snack food” kada linggo, upang maiwasan ang pagkain ng sobra-sobra sa bawat araw na lumilipas.
11. Iwasan ang paggamit ng elebaytor.
Imbes na makipila pa sa paggamit ng elebaytor, gamitin na lang ang hagdan. Ito ay magbibigay dagdag sa oras na ginugugol mo para sa pisikal na aktibidad. Malaking bagay ang naitutulong nito bilang paraan kung paano bumaba ang timbang.
12. Kumain ng sapat.
Siguraduhing sapat ang kain mo sa pinakaimportanteng oras ng bawat araw. Ang agahan ay napakahalaga, ito ang nagtutustos ng pangunahing enerhiya na gagamitin mo para sa buong araw. Tiyaking kumain sa bawat umaga, kahit gahol ka sa oras.
13. Tumigil sa madalasang pagtitimbang.
Ang pagtimbang ng isang beses sa isang linggo ay sapat na. Kadalasan, napapakain ka ng mas madami kapag natutuklasan mo na nakapagbawas ka na ng timbang. Gawing lingguhan ang pagtimbang at panatiliin ang ugaling matiyaga sa pag-abot ng mga layunin sa pagbawas ng timbang.
14. Kumain ng mani.
Nakakatulong ang mani sa pagtustos ng enerhiya. Ayon din sa mga eksperto, nakakatulong ito sa pagpapaliit ng bilbil sa tiyan.
15. Uminom ng Ginseng.
Ang pag-inom ng ginseng ay nakakatulong sa pag-angat ng enerhiya mo. Mas maganda ang kilos ng isip at katawan kapag hindi pagod. Nakakatulong din ito sa pag-kontrol ng kain. Mas tumatagal ka bago humanap ng makakain. Sa isang pag-aaral na inaprubahan ng Institutional Review Board of Dongguk University Ilsan Hospital sa Korea, ang pagsama ng Ginseng sa pang-arawang diet ay nagpababa ng timbang para sa ilang babaeng sumali sa pag-aaral na ito. Ang mga edad nila ay mula 40 hanggang 60 na taong gulang, at sila lahat ay may kondisyon ng sobrang katabaan.
16. Sikipan ng konti ang belt o pagkakatali ng pang-ibabang kasuotan.
Malaki ang naitutulong ng pagsikip ng kasuotan sa pangkaisipan ng taong lumalayon na magbawas ng timbang. Nagiging mas alerto siya sa dami ng nakakain niya. Tumutulong ang pakiramdam na ito upang pigilan niya ang sarili sa pagkain ng sobra.
17. Kumain ng maanghang.
Malaki ang naitutulong ng pagkain ng maanghanng bilang sagot sa kung paano bumaba ang timbang kahit walang ehersisyo. Mas nagiging epektibo ang pagtunaw ng taba at kaloriya na nakukuha ng katawan buhat sa pagkain. Nakakatulong din ito sa paglabas ng pawis. Maganda sa kalusugan at sa pagbawas ng timbang ang pagpapawis. Nakakatulong ito sa paglinis ng katawan mula sa mga toxin na nakukuha sa kapaligiran at sa mga pagkain na kinokonsumo araw-araw.
18. Bawasan ang pagkonsumo ng asin.
Asinan lang ng katamtaman ang mga kinakain dahil ang sobrang gamit ng asin ay nakakadagdag sa timbang. Nakakadagdag kasi siya sa pag-ipon ng tubig sa katawan.
19. Limitahan ang klase ng putahe.
Kadalasan, kahit untian mo man ang kuha ng kanin, ang hirap magpigil kung maraming klaseng putahe ang nakahain . Ang pinakamagandang gawing pagpili ay isang ulam na karne o katumbas, tsaka gulay.
20. Ugaliin ang pag-inom ng herbal na tsaa.
Mas nakakatulong ang paginom ng herbal na tsaa sa araw-araw. Mas napapabilis ang pagtunaw ng pagkain at ang pagdumi ay mas nagiging madalas. Ito ay malaking tulong sa pagbaba ng timbang.