Ang pagpapataba ay nangangailangan din ng pagsisikap tulad ng pagpapayat. Ang timbang ng isang tao ay may kaugnayan sa kaloriya na pumapasok sa kanyang katawan. Ang “init” na natatamo natin mula sa mga pagkaing kinakain natin sa araw-araw at nagpapagalaw sa isang tao o nagiging enerhiya ay siyang tinatawag na kaloriya. Kailangan natin ang tamang dami ng kaloriya upang magkaroon ng enerhiya at mapanatili ang timbang. Sa sitwasyon ng isang taong gustong magpataba, kailangang madagdagan ang kaloriya sa katawan upang magkaroon ng sobra ang kaloriya mula sa init na nagagawa ng katawan at sa gayon makakuha ng karagdagang timbang. May ilang tips upang mabisang madagdagan ang timbang at sa paraang natural. Bago natin talakayin iyan, kailangan malaman muna natin ang mga natural na vitamins na pampataba para sa ating katawan.
Vitamin B-12 at Gana sa Pagkain
Ang vitamin B-12 ay isang bitamina na tumutulong sa produksyon ng red blood cells at enerhiya. Ito ay may malaking epekto sa gana sa pagkain ng isang tao. Kapag kulang ng vitamin B-12 ang ating katawan, maaaring mabawasan ang gana natin at sa gayon, mahihirapan tayong kumain ng mga pagkaing may maraming kaloriya. Ang bitaminang ito ay nakukuha kapag kumakain tayo ng karne o kaya ay mga pagkaing galing sa hayop. Dahil dito, mas madaling magkaroon ng kakulangan sa B-12 ang mga taong vegetarian. Upang magkaroon ng dagdag na vitamin B-12 at maiwasan ang kakulangan nito, kailangang kumain ng pagkaing maraming protina tulad ng itlog, karne, hipon, isda at mga produktong gawa sa gatas. Marapat na isama sa bawat kainan at meryenda ang mga pagkaing may maraming protina upang higit na maging epektibo ang iyong pagpapataba.
Protina at Pagpapataba
Ang protina ay hindi bitamina ngunit ito ay may malaking naitutulong sa pagbuo ng muscles. Anupat gusto nating magdagdag ng timbang na magiging muscle at hindi ang taba na magiging bilbil. Kaya kailangan natin ang protina sa proseso ng ating pagdaragdag ng timbang. Maaaring idagdag sa listahan ng mayaman sa protinang uri ng pagkain ang mga mani, mantekilya, at beans. Ito ay maaaring maging kapalit ng karne para sa mga vegetarian dahil maaaring magbigay ito ng protina ngunit wala itong B-12 na pampagana ng pagkain. Isang magandang suhestiyon ay ang pagpapalaman ng peanut butter sa tinapay bilang meryenda.
Tips Para Tumaba
Ano ba ang dapat gawin upang madagdagan ang timbang?
- Kumain ng mga pagkaing may maraming kaloriya. Kailangan na mas marami ang kaloriyang papasok sa katawan kaysa sa gagamitin nito upang magkaroon ng sobrang kaloriya ang iyong katawan at madagdagan ang timbang. Halimbawa, ang iyong normal na kaloriyang kailangan ng iyong katawan ay 1,800 calories kada araw. Kung gusto mong unti-unti ang iyong pagdagdag ng timbang, maaaring dagdagan mo ito ng 250 hanggang 500 kaloriya araw-araw. Kung gusto mo namang mas mabilis, maaaring magdagdag ng 700 hanggang 1000 calories.
- Kumain ng mga pagkaing sagana sa protina. Ang ating kalamnan ay binubuo ng protina kaya ang sobrang kaloriya ay magsisilbing taba. Kung ang kaloriya ay sasabayan ng protina, ang ekstra nito ay magiging muscle. Ang protina ay nakakabawas ng gutom at gana kaya kailangan din ang vitamin B-12 sa ating katawan upang madagdagan ang gana at mas marami parin tayong makain.
- Kumain ng maraming carbohydrates at fats. Upang kumpleto ang isang kainan para sa taong magpapataba, kailangan ang carbohydrates, protina at fats tatlong beses sa isang araw. Pinapaalahanan din na huwag lumaktaw ng kahit isang kainan at kumain ng meryenda kung posible.
- Kumain ng mga pagkaing nagbibigay ng enerhiya. Halimbawa nito ay mga nuts, dried fruits, karne, kamote, patatas, tsokolate at iba pa.
- Maglagay ng pampalasa sa pagkain. Nakakatulong ito upang mas maganahan tayo sa pagkain at mas magkalasa ito. Sa gayon, mapaparami tayo ng makakain.
- Mag-ehersisyo – Kailangan pa rin ang ehersisyo sa pagpapataba. Ito ay upang ang kaloriyang nakuha sa pagkain ay maconvert bilang muscle. Sa kabilang banda, ito rin ay nakakapagpagana sa pagkain.
Mabuti bang uminom ng ilang vitamin supplement sa pagpapataba?
Ang mga nagbebenta ng vitamins na pampataba ay nangangakong ang kanilang produkto ay epektibo sa pagpapalakas, pagpapaalisto at pagkakaroon ng muscle. Isang bagay na marapat nating tandaan ay: Ang walang partikular na vitamin supplement na makakabigay sa iyo ng dagdag na timbang dahil ito ay walang lamang kaloriya. Maaaring makatulong lamang ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng nutrisyon para sa iyong katawan. Mas epektibo pa rin ang natural na paraan ng pagdaragdag ng timbang gamit ang natural na mga vitamins na pampataba na nasa mga pagkain na kinakain natin sa araw-araw. Kaya imbes na humanap ng sintetikong mga vitamin supplements na nagbibigay lamang ng dagdag na gastos kaysa sa dagdag na timbang, sundin ang mga paraang naaayon dito at masasabi mong “Tumaba ako” sa natural na paraan.