Nahihirapan ka bang magdagdag ng timbang? Kung gayon, baka kinaiinggitan ka ng iyong mga kapamilya at kapitbahay. Yun bang kahit gaaano karami ang kainin mong kanin at karne, hindi ito nakaapekto sa timbang mo.
Bakit kailangang tumaba?
Ano ba ang masama sa pagiging patpatin, o mga tao na hindi tumataba? Hindi ba’t mas mainam na ito kaysa sa pagiging ubod ng taba? Ang katotohanan ay may mga seryosong problema ding dala ang pagiging patpatin.
Ang mga taong sobra ang kapayatan ay may mas mahinang immune system, na ginagawa silang mas nakahantad sa mga impeksyon, mga komplikasyon na dala ng operasyon at mas matagal na panahon para makabawi galing sa pagkakasakit. Sila ang mga tao na may mas kaunting dami ng kalamnan, manipis na buhok, ngipin at balat. Maaaring ang mga taong hindi tumataba ay may dinaranas na mga problema sa hormones na nagpoprotekta sa mga buto. Sa mga babae, ang pagiging sobrang payat ay maaaring maging dahilan ng irregular na buwanang dalaw.
Ang lahat ng mga ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng pagpapanatili ng malusog na timbang, isang bagay na nagkakaiba-iba sa bawat indibidwal.
Sinasabi ng mga doktor na eksperto sa timbang at pagdidiyeta na may simpleng batayan para alamin kung ikaw ay may malusog na timbang. Ang mga babae ay dapat na tumitimbang ng 106 libra (pounds) sa unang limang talampakan at dagdag na limang libra sa bawat karagdagang pulgada. Ang mga lalaki naman ay dapat na tumitimbang ng 106 libra sa unang limang talampakan at dagdag na anim na libra sa bawat karagdagang pulgada.
Ang isa pang batayan ng malusog na timbang ay ang tinatawag na body mass index o BMI. Ito ay isang sistema ng pagtukoy ng laki ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang taas at timbang. Sinasabi ng mga dalubhasa sa kalusugan na ang mga tao na may normal na bigat ay may BMI na 18.5 hanggang 24.9. Ang anumang BMI na mas mababa sa nabanggit ay kulang sa timbang, 25 – 29.9 ay sobra sa timabang, ang BMI na 30 mahigit ay sobrang katabaan.
Pag-usapan natin ang praktikal na mga hakabang kung paano tumaba.
Mga dahilan ng sobrang kapayatan
May mga dahilan kung bakit nahihirapan ang isang tao na magdagdag ng timbang. Ang mga genes na namana natin sa ating mga magulang ay isa sa pangunahing salik, subalit ang pagkatao ng indibidwal at ang kanyang kapaligiran ay may malaking papel kung bakit nahihirapan kang tumaba.
Ayon sa mga doktor, baka iniisip ng ilan na sila ay may mabilis na metabolismo kaya hindi sila tumataba. Maaring dahilan iyan subalit hindi palaging ganyan ang kalagayan. Baka mas aktibo lang sila kumpara sa ibang tao. Halimbawa, may mga tao na kinagawian nang maglakad lakad, na sumusunog ng higit na kaloriya kumpara sa kinakain niya. Baka ikaw ang palaging unang nagkukusang loob na maglipit ng mga kalat o gumawa ng gawaing bahay, baka lakad ka nang lakad o mahilig kang magbabad sa mga laro. Ang ganitong antas ng pisikal na mga aktibidad ay hindi naman masama, subalit ang pagkakaalam na ito ay nakakaapekto saiyong pagsusumikap na tumaba ay siyang susi para matupad moa ng iyong layunin na magdagdag ng timbang.
May iba pang dahilan kung bakit bigla na lamang nawala ang iyong gana sa pagkain, pagbabago ng iyong metabolism, o biglaang pagbawas ng timbang.
- Pagkakaroon ng karamdaman
- Hindi mawala-walang sakit
- Depresyon
- Stress
- Side effect ng iniinom na gamot
Sa mga bata, ang kawalan ng kakayahang magdagdag ng timbang ay maaaring dulot ng isang kundisyon na kung tawagin ay failure to thrive na nangangahulugan na ang iyong anak ay may timbang na kulang para sa kanyang edad. Ito ay maaaring bunga ng karamdaman o malnutrisyon dahil sa kakulangan ng kaalaman ng nangangalaga sa kanya. May mga magulang na istrikto sa pagkain tulad ng mga vegetarian, na nagiging dahilan ng hindi sapat ng nutrisyon ng mga bata.
Paano tumaba: Siguraduhin ang malusog na pagdagdag o pagbawas ng timbang
Anuman ang pinaghihinalaan mong dahilan ng iyong pagiging kulang sa timbang, mahalaga na isangguni ito sa doktor, kahit pa masaya ang iba sa pagkakaroon ng pagkakaroon ng payat na pangangatawan.
Kung ikaw ay nababawasan ng timbang subalit wala ka namang ginagawang mga pamamaraan para pumayat, dapat mo itong ipakipagusap sa doktor dahil hindi ito normal. Ang biglaang pagbawas ng timbang ay maaaring sintomas ng isang sakit o diabetes.
Ang pagkain ng kahit ano na lamang ay maaaring makasama – kahit ang mga tao na nahihirapang magdagdag ng timbang ay dapat na magingat sa pagkain ng sobrang tamis at taba. Ang di pinagisipang mga pagkain ay maaaring mauwi sa mga sakit na tulad ng sakit sa puso, stroke at cancer. Isa pa, ang mga tao na kumakain ng kahit ano para magdagdag ng timbang ay maaaring makaipon ng maraming taba sa katawan. Kaya mapanatili ang magandang pangangatawan, kailangan mong kumain ng malulusog na pagkain kasabay ng regular na pagiihersisyo. Ang pagiihersisyo ay makakatulong na matunaw ang extrang taba sa katawan kaya ikaw ay magdaragdag ng timbang dahil sa mas makapal na kalamnan hindi ng makapal na taba. Tandaan lamang na ang pagdadagdag ng timbang ay nangangailangan ng disiplina at pasensya kung paanong ito ay kailangan para magbawas ng timbang.
Paano tumaba o magdagdag ng timbang?
Kumain ng balanseng dami ng protina, carbohydrates at tamang uri ng fats, 60% -70% ng cabohydrates, 10% – 15% protina at sapat na dami ng fats.
Kumain ng mga pagkaing mayaman sa kaloriya, bitamina at mga mineral kaysa sa kumain ng maraming taba o asukal.
Napatunayan ng nakapagpapadagdag ng timbang ang pagkain ng nilagang itlog, patatas, keso at gatas.
Kung ikaw ay mabilis na mabusog, subukang kumain ng mga pagkaing mas mataas sa kaloriya. Iwasan ang paginom ng marami kalahating oras bago o pagkatapos kumain.
Subukan ding uminom ng inuming may alcohol tulad ng wine o beer bago kumain dahil ito ay napatunayang nagpapalakas ng gana sa pagkain. Sumangguni muna sa doktor bago uminom ng alak, tandaan na ang sobrang alcohol sa katawan ay nakasasama lalo na kung ikaw ay may iniinom na gamot.
Paano tumaba sa pamamagitan ng pagkain? Ang katamtamang pagkain ng mani, abokado at matatabang isda tulad ng salmon o mackerel ay napatunayang nakapagdadagdag din ng timbang sa malusog na paraan.
Huwag kumain ng sobrang dami ng isahan, isaayos ang regular na pagkain ng meryenda. Kumain ng midnight snack bago tuluyang matulog. Nakapagdadagdag ng timbang ang pagkain ng peanut butter sandwich bago matulog.